Friday, May 9, 2014

Sa panahong mag-isa ako, literal at metaporikal.

Naramdaman mo na ba 'yung pakiramdam na ikaw lang mag-isa? Literal at metaporikal. Literal dahil wala ka talagang kasama sa pisikal na aspeto, at metaporikal dahil pakiramdam mong wala kang makakasama kung sakaling maghanap ka man. Nalulungkot isipin.

Ito ako, nasa sarili 'ko na namang panahon at mundo. Kung saan mag-isa ako at wala akong kasama, literal at metaporikal. Pwede akong maging kahit na sino: maging prinsepe ng sarili 'kong palasyo, maging direktor ng sarili 'kong pelikula, maging bida ng sarili 'kong nobela. Pwede 'kong gawin kahit anong gusto ko: tumambling at mag-alambitin sa dingding, magpatugtog ng malakas at sumayaw ng walang hanggan hanggang sa mapasma ang buo 'kong katawan.

Oo masaya ang maging mag-isa, kung titignan mo sa ganitong aspeto ang sarili mong mundo at ang mundong ginagalawan ng iba. Hindi mo kailangan isipin ang iisipin nila. Hindi mo kailangan makipagkita sa gitna ng mga bagay-bagay para iwasan ang iringan. Maaari mong gawin ang gusto mong gawin, walang pipigil sa'yo. Iba naman din ang mundong ginagalawan mo, hindi ba? Kulang na lang, magkaroon ka ng sarili mong pila sa tuwing pupunta ka sa suki mong tindahan o kaya naman kapag magdedeposito ng pera sa banko. Literal at metaporikal.

No man is an island, literal at metaporikal. Gaano mo man baligtbarin ang mundo at isaksak sa kokote mong kakayanin kong mag-isa, maraming tututol sa'yo. Isama mo pa nanay at tatay mo sa listahan ng mga kadebate mo. Itaga mo sa bato.

Kung hindi mo kinailangan ang utong ng nanay mo noong bagong panganak ka, burahin mo siya sa listahan. Kung hindi mo kinailangan ang perang kinikita ng tatay mo para sa lahat ng pangangailangan mo, burahin mo siya sa listahan. Kung matalino ka na mula pagsilang at hindi kinailangan ang gabay ng mga guro mo sa eskwela, huwag mo na silang isulat sa listahan para huwag ka nang magbura. Kung walang itinuturing na pinakamatalik na kaibigan, aba syempre wala kang isusulat. Wag kang mag-imbento dahil hindi mo naman sila kinailangan.

Gusto 'ko ng dalawang katawan ngayon. Literal at metaporikal.

Gusto 'kong maranasan ng mas matagal tagal ang kapayapaan ng pag-iisa. Nakakapagsayaw ako. Nakapapagsulat ako. Nakakapagisip ako. Pakiramdam 'ko walang multa ano man ang gawin 'ko. Dahil sa libong beses na uulitin, pag-aari 'ko ang mundo. Hindi ako huhulihin sa pagtawid sa gitna ng kalsada. Hindi ako susutsutan ng nga matatandang naiistorbo ng ginintuan 'kong boses. Hindi 'ko kailangang tumingin sa dinaraanan dahil wala naman akong mababangga. Mas mapayapa kung ako lang, kung ganito lang.

Sa parehong oras, gusto 'ko rin uwian ang pamilya 'ko sa probinsya. Kasi isang oras pa lang akong nahihiwalay sa kanila hindi 'ko alam pero parang hinahatak ako pabalik sa mundo at bayan na pinanggalingan 'ko. Lagi 'ko silang naiisip at humihiling na sana hindi 'ko na kailangan manatili sa Maynila at bumalik na lang sa payak 'kong buhay kung saan basta may kulay ube pa ang pitaka 'ko, masasabi 'kong mairaraos 'ko pa ang buong araw na hindi ako nagmumukhang kawawa. May sukli pa at pamasahe pauwi.

Gusto 'ko rin kausapin ang mga kaibigang matagal 'ko nang hindi nakakausap. Gusto 'kong kamustahin kung ano na bang sentro ng bawat pagpupursigi nila ngayon. Balikan ang noon kung saan iniisip lang namin ang marka ng huling pagsusulit at kung paano babawi. Gusto 'kong malaman kung gaano na ba sila kalapit sa mga pangarap na noo'y tinatanaw lang namin sa malayo. Gusto 'kong sabihing mas gusto 'kong bumalik na lang sa nakaraan. Kung saan kontrolado 'ko ang problema 'ko. Mataas na grado lang ang solusyon. Mag-aral sa gabi para hindi nag-iisip ng pambawi sa susunod na pagsusulit. Simple. Klaro. Hindi komplikado.

Gusto 'kong makilala na ngayon ang nakatadhanang maging bahagi ng buhay 'ko. Sabihin sa kanilang, alam 'kong dapat sa mga susunod na linggo o buwan pa kita makilala. Pero minadali 'ko na, alam kong magiging malaki ang papel mo sa buhay. Maaaring tuturuan mo akong maging mas wais na ako. Maaaring kasabay kita sa isang pagsubok sa buhay 'ko. Hindi 'ko rin alam, maaaring ikaw ang babasag sa puso 'ko. Ano man ang dahilan ng tadhana para ipakilala ka sa akin, magpapasalamat na ako ngayon pa lang. Minsan kasi nakakalimutan 'ko nang magpasalamat. Bago man lang malimutan, mas mabuti nang agapan.

At matapos ang lahat ng gagawin ng ikalawang ako. Gusto 'kong muli siyang bumalik kasama ng mapag-isang ako, literal at metaporikal.

Gusto 'kong ipagkumpara ang pakiramdam dahil alam 'kong sa kani kanilang nilang diskarte, binibigyan nila ako ng ideyang maaari 'kong kuhanan ng mas matatalinong pagtanaw sa mundo. Na maaari palang pagsamahin ang dalawang pagkataong mayroon ako, ang dalawang sitwasyon na gusto 'kong galawan sa parehong panahon. At maaari palang ipaglukob ang mundong mayroon ako sa mundo ng natitira pang nilalang. Posible, litetal at metaporikal.

No comments:

Post a Comment