Friday, May 9, 2014

Sa panahong mag-isa ako, literal at metaporikal.

Naramdaman mo na ba 'yung pakiramdam na ikaw lang mag-isa? Literal at metaporikal. Literal dahil wala ka talagang kasama sa pisikal na aspeto, at metaporikal dahil pakiramdam mong wala kang makakasama kung sakaling maghanap ka man. Nalulungkot isipin.

Ito ako, nasa sarili 'ko na namang panahon at mundo. Kung saan mag-isa ako at wala akong kasama, literal at metaporikal. Pwede akong maging kahit na sino: maging prinsepe ng sarili 'kong palasyo, maging direktor ng sarili 'kong pelikula, maging bida ng sarili 'kong nobela. Pwede 'kong gawin kahit anong gusto ko: tumambling at mag-alambitin sa dingding, magpatugtog ng malakas at sumayaw ng walang hanggan hanggang sa mapasma ang buo 'kong katawan.

Oo masaya ang maging mag-isa, kung titignan mo sa ganitong aspeto ang sarili mong mundo at ang mundong ginagalawan ng iba. Hindi mo kailangan isipin ang iisipin nila. Hindi mo kailangan makipagkita sa gitna ng mga bagay-bagay para iwasan ang iringan. Maaari mong gawin ang gusto mong gawin, walang pipigil sa'yo. Iba naman din ang mundong ginagalawan mo, hindi ba? Kulang na lang, magkaroon ka ng sarili mong pila sa tuwing pupunta ka sa suki mong tindahan o kaya naman kapag magdedeposito ng pera sa banko. Literal at metaporikal.

No man is an island, literal at metaporikal. Gaano mo man baligtbarin ang mundo at isaksak sa kokote mong kakayanin kong mag-isa, maraming tututol sa'yo. Isama mo pa nanay at tatay mo sa listahan ng mga kadebate mo. Itaga mo sa bato.

Kung hindi mo kinailangan ang utong ng nanay mo noong bagong panganak ka, burahin mo siya sa listahan. Kung hindi mo kinailangan ang perang kinikita ng tatay mo para sa lahat ng pangangailangan mo, burahin mo siya sa listahan. Kung matalino ka na mula pagsilang at hindi kinailangan ang gabay ng mga guro mo sa eskwela, huwag mo na silang isulat sa listahan para huwag ka nang magbura. Kung walang itinuturing na pinakamatalik na kaibigan, aba syempre wala kang isusulat. Wag kang mag-imbento dahil hindi mo naman sila kinailangan.

Gusto 'ko ng dalawang katawan ngayon. Literal at metaporikal.

Gusto 'kong maranasan ng mas matagal tagal ang kapayapaan ng pag-iisa. Nakakapagsayaw ako. Nakapapagsulat ako. Nakakapagisip ako. Pakiramdam 'ko walang multa ano man ang gawin 'ko. Dahil sa libong beses na uulitin, pag-aari 'ko ang mundo. Hindi ako huhulihin sa pagtawid sa gitna ng kalsada. Hindi ako susutsutan ng nga matatandang naiistorbo ng ginintuan 'kong boses. Hindi 'ko kailangang tumingin sa dinaraanan dahil wala naman akong mababangga. Mas mapayapa kung ako lang, kung ganito lang.

Sa parehong oras, gusto 'ko rin uwian ang pamilya 'ko sa probinsya. Kasi isang oras pa lang akong nahihiwalay sa kanila hindi 'ko alam pero parang hinahatak ako pabalik sa mundo at bayan na pinanggalingan 'ko. Lagi 'ko silang naiisip at humihiling na sana hindi 'ko na kailangan manatili sa Maynila at bumalik na lang sa payak 'kong buhay kung saan basta may kulay ube pa ang pitaka 'ko, masasabi 'kong mairaraos 'ko pa ang buong araw na hindi ako nagmumukhang kawawa. May sukli pa at pamasahe pauwi.

Gusto 'ko rin kausapin ang mga kaibigang matagal 'ko nang hindi nakakausap. Gusto 'kong kamustahin kung ano na bang sentro ng bawat pagpupursigi nila ngayon. Balikan ang noon kung saan iniisip lang namin ang marka ng huling pagsusulit at kung paano babawi. Gusto 'kong malaman kung gaano na ba sila kalapit sa mga pangarap na noo'y tinatanaw lang namin sa malayo. Gusto 'kong sabihing mas gusto 'kong bumalik na lang sa nakaraan. Kung saan kontrolado 'ko ang problema 'ko. Mataas na grado lang ang solusyon. Mag-aral sa gabi para hindi nag-iisip ng pambawi sa susunod na pagsusulit. Simple. Klaro. Hindi komplikado.

Gusto 'kong makilala na ngayon ang nakatadhanang maging bahagi ng buhay 'ko. Sabihin sa kanilang, alam 'kong dapat sa mga susunod na linggo o buwan pa kita makilala. Pero minadali 'ko na, alam kong magiging malaki ang papel mo sa buhay. Maaaring tuturuan mo akong maging mas wais na ako. Maaaring kasabay kita sa isang pagsubok sa buhay 'ko. Hindi 'ko rin alam, maaaring ikaw ang babasag sa puso 'ko. Ano man ang dahilan ng tadhana para ipakilala ka sa akin, magpapasalamat na ako ngayon pa lang. Minsan kasi nakakalimutan 'ko nang magpasalamat. Bago man lang malimutan, mas mabuti nang agapan.

At matapos ang lahat ng gagawin ng ikalawang ako. Gusto 'kong muli siyang bumalik kasama ng mapag-isang ako, literal at metaporikal.

Gusto 'kong ipagkumpara ang pakiramdam dahil alam 'kong sa kani kanilang nilang diskarte, binibigyan nila ako ng ideyang maaari 'kong kuhanan ng mas matatalinong pagtanaw sa mundo. Na maaari palang pagsamahin ang dalawang pagkataong mayroon ako, ang dalawang sitwasyon na gusto 'kong galawan sa parehong panahon. At maaari palang ipaglukob ang mundong mayroon ako sa mundo ng natitira pang nilalang. Posible, litetal at metaporikal.

Thursday, April 24, 2014

OP ako bilang isang 90’s kid

Marami akong nababasa sa internet:

The best maging 90’s kid.

Walang tatalo sa 1990’s

Masarap maging bata noong 90s.

Siguro nga? Pinanganak ako noong 1994, pero hindi ako sigurado.

Usong uso hanggang ngayon sa mga bata ang bedtime stories para mas mabilis silang makatulog. Hindi ‘ko naranasan ‘yan. Sa halip ako ang nagbabasa ng mga bedtime stories sa harap ng mga magulang ‘ko para mas mahasa ako sa pagbabasa sa murang edad. Oo, nag-enjoy naman ako. Masarap magbasa, lalo na kapag nakikita ‘kong natutuwa sa akin ang nanay at tatay ‘ko. Feeling ‘ko ang tali-talino ‘ko. I was three or four at that time at sobrang matatas na ang pagbabasa ‘ko. T’was 1997 or 1998.

Uso rin ang mga larong kalye noon. Habulan, taguan, langit lupa impyerno. Im. Im. Impyerno. Hindi ‘ko na masyadong alam ‘yung susunod na lyrics. Saksaka puso lalala. Hindi ‘ko naman kasi nalaro ‘yun ng maraming beses. Hindi  ‘ko ulit naranasan ‘yan. Minsan pag nasa school ako tatakasan ‘ko yung kamag-anak namin na susunduin ako ng motor para iuwi sa bahay namin, para makapaglaro kasama ng mga kaklase ‘ko habang naghihintay sila ng service nila. Mabibilang ‘ko sa dalawang kamay ‘ko kung ilang beses akong naglaro. Masaya, pero sobrang bitin. Busy ako ‘nun most of the time. Pinaglalaro ako ng kung ano ano. Scrabble, Boggle, Chess, mga larong pampatalino daw. Hindi ako nakakalabas ng bahay kasi kalsada agad ang labas ng bahay pagkatulay mo sa eskenita. Hindi kami nakatira sa subdivision ‘kung saan pwedeng maglaro ang mga batang magkakapitbahay pagkagising nila galing siesta.   Mabilis lumawak ang vocabulary ‘ko. Nag-enjoy ulit ako sa mga larong ‘yun, kasi tumatalino naman ako. T’was early 2000s kung saan sobrang kaunti pa lang ng may computer.

Fast forward.

Grade 1 o grade 2 ako nito. Nauso ang GameBoy Color, binili agad ako ng tita ‘ko galing sa Japan. Napirmi ako lalo sa bahay namin kasi nakaka-adik maglaro. Pokemon pa ‘yung bala ng GameBoy ‘ko nun! Hindi ‘ko daw pwede dalhin sa school kasi baka mawala kaya umuuwi ako agad para makapaglaro. Tatakbo sa damuhan, hindi ako, ‘yung character ‘ko sa Pokemon para makahanap ng makakalaban para mas tumaas ‘yung level ng Pokemon ‘ko. Doon lang ako nakaexperience tumakbo ng matagal na matagal. Nakakapagod pala. Napagod ‘yung daliri ‘ko sa kakapindot ng arrow buttons ng GameBoy para makahanap na ako ng kalaban. Ilang beses na rin akong nakapag New Game kasi natapos ‘ko na yung limang malalakas na dapat kalabanin. Nakuha ‘ko na rin ‘yung pangarap ‘kong Pokemon ‘nun, si Dragonair.Minsan, itinakas ‘ko ‘yung GameBoy ‘ko para madala ‘ko sa school. Lalaruin ‘ko sana sa recess. Oha! Recess pa ‘yung tawag nun pag grade school diba. Pinagkaguluhan ako ng mga kaklase ‘ko, ‘yung iba nakikilaro pa. Pag-uwi ‘ko ng lunch break (umuuwi kasi ako every lunch), hinanap sa akin ng nanay ‘ko yung GameBoy ‘ko at napag-alaman na nilang dinala ‘ko ‘yun sa school. Ayun. Grounded. Nawalan ako ng laruan, nawalan ako ng mapagkaka-abalahan sa bahay. In short, grounded.

Fast Forward v2.0

Ngayon, uso na ang kung ano-anong gadgets. Computers, tablets, mobile phones, yadayadayada. Akala ‘ko makakasabay na ako kasi medyo outgrown na ang mga larong pambata. Well in some sort oo nakakasabay ako kasi nabubutingtin ‘ko ang mga bagay na ‘yan. I somehow became adept to these kinds of stuff. But here comes blogging, like what I do.

Sobrang dami ‘kong nababasang blogs from teenagers, ‘yung iba schoolmates ‘ko pa from FEU. Ang dami nilang blogs about fun and games noong bata sila. At sobrang naiinggit ako.

Proud to be 90s kid.

Batang 90s ako.

Ang sarap ng childhood ‘ko kasi pinanganak ako noong 90s.

Masarap naman ang childhood ‘ko. Pero bakit hindi ‘ko naexperience ang lahat ng sinasabi ng blogs nila? Kept me thinking about it. Was I busy being a child? Or was I busy thinking not to disappoint my parents? Nag-enjoy ako in a different way. At ngayong malaki na ako hindi ‘ko alam kung paano hahabulin ang bagay na na-miss out ‘ko na sa kabataan.

Making the story short, I was physically a 90s kid.

Physically, but I don’t embody the memory of a 90s kid. I was a kid in the future noong panahon ‘ko. Busy ako maghanda para sa darating na bukas. Hindi ako nakatakbo, hindi ako nakapagtago, hindi ako nataya ng mga kalaban ‘ko.

Gusto ‘kong magblog ng kagaya ng blog nila. Gusto ‘kong sabihin na minsan sa buhay ‘ko nadungisan ang damit ‘ko kakatakbo. Gusto ‘ko ipagmalaki ang mgapeklat ‘ko kasi nadapa ako. Gusto ‘ko rin sabihin na the best ang panahong 1990s. Pero kahit anong gawin ‘ko, OP talaga ako bilang 90s kid.