Nawalan ako ng pera ngayon. Baon ko sana nang isang linggo. Martes pa lamang ngunit lagas na agad ang dalawang Ninoy na pananatilihin ko sanang nakapangalumbaba hanggang Linggo. Sayang! May mga bagong pera pa naman akong nakalagay doon sa pitakang regalo pa sa akin ni Ninang Mercy noong nakaraang pasko. Dalawang benteng madulas at iba ang pagkadilaw kung ikukumpara sa benteng sinukli sa akin nung makalawa sa palengke."Sana nandito si Nanay. "
Saan kaya napunta ang kaban ng aking kayamanan?
Ilang araw akong maglalakad papunta sa unibersidad na aking pinapasukan, hindi manananghalian at uuwi sa kwartong aking inuupahan sa isang maliit na dormitoryo ng hindi man lang nabubusog ang aking mga mata. Nasanay akong naglilibot muna sa bayan kahit sandali bago umuwi sa dormitoryo upang aliwin naman ang aking sarili sa lungkot na dulot ng pag-iisa sa matatawag kong bahay.
Isang maliit na silid lamang ang aking naupahan. Pwedeng pwede na rin dahil malapit sa unibersidad na pinapasukan ko, ayos lang kahit tanghaliin ako ng gising dahil isang dyip na lang ang layo ko mula sa gate ng paaralang pinapasukan ko. Sakto lang din naman ang laki para magkasya ang lahat ng aking mga kagamitan. Komportable naman akong nakakatulog dahil malamig naman ang silid kahit hindi ko na buksan ang bentilador sa gabi. At higit sa lahat, malinis ang loob ng silid bago ko pa man ito mapagdesisyunang upahan, halatang arawang nalilinis ang mga kwarto. May banyo na rin sa loob ng silid kaya’t di ko na kailangan makipagsiksikan sa ibang mga nangungupahan sa dormitoryo tuwing umaga doon sa pampublikong paliguan.
Puti lang ang pintura ng aking silid mula kisame hanggang sa mga dingding, kaya naman pagtapak pa lamang ng mga paa ko sa kwarto at matapos ayusin ang aking mga gamit ay pinagdididikitan ko ng mga larawan at mga pahina ng lumang magasin upang mabigyan naman ng buhay ang malalangit kong kwarto. Ngunit ngayo’y napilas ko ang lahat ng nakadikit sa dingding sa tabi ng aking kama dala na lamang ng pagkamuhi sa araw na ito. Humiga ako’t huminga ng malalim. Nilamukot sa aking kamao ang mga papel na tinanggal galing sa pader ng aking silid. Ipinikit ang aking mga mata at ang mga sumunod na pangyayari’y hindi ko nanamalayan.
Pumasok akong butas ang bulsa.
Buti na lamang at maaga akong nagising. Wala nang laman ang aking maliit na kusina. Wala na akong iluluto kaya nagtimpla na lamang ako ng mainit na kape at kumaripas na sa banyo. Nagbihis ng mabilisan at hinablot ang bag sabay sara ng pinto. Naglakad ako papasok ng eskwelahan at pumasok sa gate ng pawis na pawis ng harangin ako ng guwardiya, “Pst, aano ka dito bata?” Nakapamulsang pambungad sa akin ng lalaking nakakunot ang noo.
WALA AKONG I.D!
Limang minuto bago ang simula ng aking unang klase. Mukhang di ako aabot, pero di ako pwedeng mahuli o lumiban. Tinakbo ko ang bahay at tila di na tumatapak ang mga paa ko sa lupa sa bilis ng aking pagusad. Narating ko ang gusali ng aking dormitoryo sa isang bahing lamang ni Zeus. Inakyat ko ang hagdan ng dalawang baitang isang hakbang upang mapabilis ang pag-akyat ko sa ikaapat na palapag kung saan naroroon ang aking silid.
May kaluskos sa loob ng aking silid.
Hindi ko muna binuksan ang pinto, pinakiramdaman ko muna ang tao sa loob na huminahon sa paggalaw upang mas mabilis kong makita kung ano ang pakay ng talipandas sa loob ng aking tahanan. Nanahimik na ang paligid. Unti-unti kong ipinasok ang susi sa pinto at dahan-dahan itong binuksan. Isang lalaki ang tila may hinahanap sa aking silid, ngunit isang bagay ang nakakuha ng buo kong atensyon. Nasa likurang bulsa niya ang nawawala kong pitaka. Di ko mamukhaan ang lalaki dahil sa bonet na nasa ulo niya. Di ako nakakilos agad, nakita na ako ng may dahilan ng lahat ng kamalasan ko. At papalapit na siya sa akin at may iba sa kanyang mga mata.
Naniningil ang ahente ni Kamatayan.
Masyadong mabilis ang kilos ng demonyo. Pinukpok niya ako’t napabulagta na lamang ako sa sahig. Sinasangga ng aking mga braso ang bawat pukpok at hampas ngunit di nagtagal ay nawalan na ako ng depensa. Binitiwan niya ang kahoy na ginawa niyang panghampas at unimpisahan akong sakalin sa leeg. Nauubusan na ako ng hininga kaya’t dinampot ko ang kahoy at ihinambalos sa ulo niya. Nawalan siya ng balanse at nabuwal sa gilid ng aking silid. Naubusan na ng pasensiya ang kriminal. Tumayo siya’t handa nang pumatay. Bumunot ng balisong mula sa kanyang tagiliran at hinubad ang bonet na nagtatago ng kanyang tunay na katauhan.
Si Manong Janitor ang mensahero ng demonyo.
Siya ang may kasalanan ng lahat. Siya ang nagnakaw ng pitaka ko. Siya ang dahilan ng paglalakad ko papuntang eskwelahan. Siya ang dahilan ng kamalasan ko sa buhay. Siya ang dahilan ng mga sugat ko ngayon. Siya na dahilan ng kalinisan ng aking silid ay maaaring maging dahilan ng aking katapusan.
Sinaksak ako ni Manong sa binti, di na ako makatayo at baldado na ako. Di na ako makalaban. Tinuloy tuloy niya ang pagbibigay ng madidiing taga sa aking buong katawan - sa braso, sa dibdib, sa tiyan, sa hita, sa leeg. Hindi niya ako tinigilan. Ang dating puti kong silid ay nabahiran ng pulang pula kong dugo. Pinagmamasdan ko na lamang siyang tapusin ang paghihirap ko. Buo pa ang aking kamalayan ngunit hapong hapo na aking katawan. Tinapos ni Manong Janitor ang paglilibang sa isang malakas na taga sa aking leeg, at tumalsik ang mga nalalabi kong dugo sa sugat na iyon.
Ginampanang muli ni Manong ang kanyang tungkulin, nilinis niya ang silid mula sa dugong nagkalat sa puti nitong sahig. At kasabay ng paglilinis niya sa aking kwarto ay ang paghuhugas niya ng kamay, pag-aalis ng lahat ng ebedensiyang maaaring maging instrumento laban sa kanya. Kinukuskos niya ang buong paligid at tinitiyak na hindi amoy dugo ang aking silid. Walang bakas ng dugo si Manong, magaling siya sa ginawa niyang pagpaslang sa akin. Mahihirapan ang pulisyang hanapin siya, kung sakaling gagawa man sila ng aksyon. Sa mga oras na ‘to, ang hinihiling ko na lamang ay ang presensya ng aking ina. Sana nandito siya. Hindi sana nangyari ang lahat ng ‘to. Nasa unibersidad pa sana ako’t nag-aaral sa una kong klase. Sana lagi lang siyang nasa tabi ko. Sana nandito si Nanay.
Sunday, November 18, 2012
Mantsa
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment