Monday, April 8, 2013
ALSABALUTAN
Ilang araw pa kaya ang titiisin kong ganito ang bawat pagsikat ng araw? Parang laging madilim at tila kulang sa tamis at ningning. Hindi tulad ng mga bituin kagabi na tila nangingimbitang makipagsayaw kasama ng mga ulap at ng mga natitirang planeta. Hindi tulad pag papalubog ang araw na tila may sumasabog na kulay ng pag-asa sa malawakang pagsulyap mo sa kahel na langit. Bakit kung kailan nagsisimula ang panibagong pahina ng kalendaryo, saka bumababa ang pag-asa ko?
Gusto kong umiyak, ‘yung maraming marami. Sasamantalahin ko na habang walang magpapatahan sa akin. Sasamantalahin kong walang nakatingin, walang matang huhusga. Sasamantalahin kong walang makakarinig, sapagkat wala rin namang nagaabalang magtanong kung bakit. Uubusin ko na lahat ngayon, isang iyakan isang bagsakan. Gusto kong umiyak. Yung maraming marami. Para pagtapos ng di mabilang na patak ng luha’y makangiti na ulit ako at masabing ayos ang lahat, kahit maraming bagay ang dapat ipagalala. Mga bagay na hindi dapat inilalagay lamang sa likod ng isipan dahil nangangailangan ng tutok na atensyon.
Sigurado ako, habang nagdadrama ako dito kasabay ng aking mga luha’y marami ring nakikisabay na umiyak sa akin. May mga nakikipagbuno kay kamatayan. May mga naglalamay para sa mga mahal nilang pumanaw na. May mga naiwan nang kani-kanilang kasintahan. May mga niloko ng asawa. May naholdap. May nanakawan. Siguro baka may ginagahasa rin. Iba man ang dahilan ay sigurado akong ang luhang iyon ay dala ng kalungkutan. Walang dahilan para magsaya, walang dahilan para ikagaan ng kalooban.
Sabi nga sa’kin ng nanay ko, ‘pag umiiyak ka lubusin mo na. Kasi baka bukas sabihan na nila OA ka. Sagarin mo na, habang may dahilan ka pa. Ayaw niyang manirahan ako sa mga bagay na alam ko namang ikababagsak ng emosyon ko. Ang mga tao kasi, may taglay na katangahan. Ay puta, alam na ngang kahinaan nila ‘yon pilit pang pinagsisiksikan ang sarili. ‘Yung kaklase ko nung high school, puro na nga palakol sa Math, yung gago nagEngineering pa. Eh di ayun, singko saka maraming summer. ‘Yung kapatid ko naman, alam na ngang kabit siya, kani kanina lang! Ipinipilit pa rin ‘yung lalaking iwan yung totoong asawa, kung makahiling akala mo naman nasa kanya yung singsing. Tanga diba?
Pero ang akin naman, walang masamang sumubok ng bago diba? Walang masamang mangarap at maghangad ng mataas. Sinasabi lagi sa TV ‘yun eh – Dream Big. Pero bakit pag mangangarap ka na, ang daming kesyo ganito kesyo ganyan. Bawal daw ‘to dapat hanggang dito ka lang. Eh nasan pa yung explore your limitations, kung di ka pa nga naguumpisa may pumipigil na. Eh ayoko ng pipigilan ako eh, sige, mageempake ako.
Kani-kanina lang nasa bus ako, papaalis na papunta ‘ko ng Maynila. Di ko alam kung san ako pupunta, di ko alam kung saan ako mapapadpad. Di ko alam kung hanngang kelan ako mabubuhay ng matiwasay. Kasi mag-isa na ako. Umalis ako sa amin, kasi gusto ‘ko na tuparin yung akin. Umalis ako sa amin, kasi pakiramdam ko walang mangyayari. Para ‘kong robot. Para akong tau-tauhan. Para ‘kong pyesa sa chess. Di ko alam kung pano kikilos ‘kung wala ‘yung nag-iisip ng bawat galaw ko. Wala naman kasi akong plano sa ganitong set-up. Kaya ito, didiskarte ako – NG DISKARTE KO.
Di ako sigurado, ‘kung kakain pa ba ako ng tatlong beses araw araw. Di ko din alam ‘kung mapapalitan pa ba ‘tong selpon ko ng bago. Wala naman akong pera eh, pamasahe lang. Di ko rin gamay ang Maynila. Pero ayos na ‘to, unti unti hahakbang ako. Paisa isa lang pero sigurado. Ayokong ituloy yung malalaking hakbang ‘ko papunta sa buhay na hindi ko alam kung ano. Paisa isa lang, pero alam ko yung pupuntahan ko. Tamang timing, tamang paraan, tamang ako. Swak. Solb tayo.
Ikaw, ano bang dahilan ng bawat drama mo?
Subscribe to:
Comments (Atom)