Sunday, January 27, 2013

Utal

Natulog akong wala sa sarili. Nakatakip ng unan ang mukha at dumadaloy ang luha galing sa bawat talukap ng mga mata. Pinapakinggan ang haluyhoy ng gabi na tila nakikiisa sa nararamdaman kong pighati, kasabay ng mga naghihimagsik na kuliglig sa damuhan, maging ng banayad na hangin na humahaplos kasabay ng mga hikbi; at sa umiiyak na langit na tila nababagabag sa tangan 'kong hapis. Umuulan ng malakas kasabay ng pag-irit ng nakakabinging katahimikan. Nais 'kong sumigaw ngunit tila nalagot ang aking mga litid sa lalamunan at wala ni isang timbreng lumalabas. Narinig 'ko na naman ang tunog ng kampana sa 'di kalayuan. Alas tres na. Umpisa na ng unang misa. Magpapakabanal na ang mga huwad. Itutulak papasok ang mga sungay at ikakabit ang pekeng mga puting pakpak. Tatakpan ng mga sinag ang maitim na budhi at taas-noong papasok sa malaking simbahan at maglulumuhod sa kanilang Propeta, sasambit ng mga papuri't pagsamba; ngunit paglabas nama'y papuri sa demonyong P.I - Panginoong Isinumpa. Sa ngalan ng Ama, ng Anak, ng Espiritu Santo. Tanda ng pananampalataya. Noo, dibdib, kaliwa at kanang balikat. Tumatas ng ilang salitang galing sa pusong puno ng hinanakit. Amen. Sabay pikit at pinakawalan na ang kamalayan.

Nagbibilang ako ng tupa sa likod ng aking mababaw na kaisipan. Lumulutang na ako, unti-unting dinadala sa ibang mundo. Isa, dalawa, tatlo, hindi ko na alam kung saan natapos ang bilang ko. Hindi ko na rin namalayan ang nangyayari sa paligid. Ibang dimensiyon na ang naaaninag ko. Para akong nasa buwan na gumagaan ng ilang libong beses. Ibang iba at walang katulad ang pakiramdam sa panaginip at pagtulog. Maaaring maging ikaw ang sinong gusto mong maging ikaw. Pwede kang lumipad, tumalon ng napakalas at magkaroon ng kakaibang bilis. Maging ang pagpapalit ng balat at katauhan ay hindi imposibleng mangyari. Isang kisap lang ng mga mata at lahat ng ito ay matutupad. Iguhit lamang ang pluma ng imahinasyon sa malawak na kadilimang dala ng iyong pagpikit. Lagyan lamang ng buhay at tauhan ang iyong pagkakahimbing at matutupad mo ang iyong mga pangarap. Ilapat ang tinta sa isang bahaging may itim, baguhin ang kulay at umpisahang lakbayin ang una mong panaginip.

Natunton ko na ang destinasyon ng panaginip na ito. At wala pa rin akong takas sa realidad na gusto kong iwasan kahit sa loob ng ilang oras na wala ako sa aking katawang lupa. Ngunit ayaw akong patakasin ng katotohanan. Ito na naman tayo. Maging sa panaginip ay diskusyon pa rin ang dapat kong harapin. Isang diskusyong hindi naman dapat ako nasasangkot ngunit anumang sandali ay babaguhin ang buhay ko habang-buhay. May malaking kaguluhan sa bahay. Wala sa tamang kaisipan ang lahat. Tulala at tila ayaw makipagusap sa isa't isa. Si Kuya. Nakapatay si Kuya. At ako ang hinahanap ng mga pulis. Alam ko ang buong pangyayari. Oo, saksi ako. Naroon ako. Nasa likod ng bagong gawang pabrika ang bangkay. Liblib at siniguro ni Kuyang walang tao. Alam kong walang nakakita sa kanya. Ngunit andito sila ngayon, mga nakaunipormeng kulay asul at may mga kumikisap na plato sa dibdib na tila hingingahan ng isang Griyekong Diyos sa kintab. May nakita silang marusing na lalaking nakahandusay sa tinukoy kong lugar. Malamig na at sa pagkakasukat nila'y nasa apat na oras nang nakikipagtalo sa pinto ng langit. Si Mang Tasyo, 'yung matandang pulubi sa tapat ng eskwelahan na kinatatakutan ng lahat. Patay na ang alamat. Ang matandang kilala ng lahat ng taong nakapag-aral sa paaralang iyon. Iniiwasan ng lahat at takas lamang daw siya sa mental sa ibang bayan. Lagot ang hininga't nakahandusay na lamang. Maaari na uli nilang suotan ng puting damit ang matandang baliw - ngunit hindi nang damit pang-ospital; kung hindi damit na para sa huling hantungan. Ilagay sa kabaong at ilagay ang pangalan sa lapida - PROTACIO SOLOMON. Natapos ang pahihirap ng isang gusgusing pulubi ngunit panibagong hiwaga na naman sa nakararami. Hiwagang may ebidensya - isang balisong. Nakaukit sa patalim na nasa katawan pa ng biktima hanggang ngayon ang isang pangalang nagdiin sa akin sa krimeng hindi naman ako kasangkot - ang sarili kong pangalan, MARIO PUNZALAN.

Kinahapunan ng gabing iyon ay malaya ko pang ginagawa ang mga normal kong gawain sa araw-araw. Pagkagaling sa paarala'y aayusin lamang ang lamisita sa may itaas ng bahay upang makapag-aral na ako at makagawa ng takdang aralin. Hindi karapat dapat ang tres sa mga grado ko. Mataas ang reputasyon nila Nanay at Tatay sa eskwelahang aking pinapasukan. Cum Laude silang dalawa't di hamak na kumakandidato rin naman akong mapabilang sa mga kagalang galang ang tala sa paaralan, maging sa malalaking dibuhong nanunungayaw sa pasilyo ng bahay. Lilibangin muna ang sarili sandali sa pagbabasa ng paborito kong libro na matatapos ko na. Ilang pahina bawat araw at buo na ang magdamag 'ko at ganado na muling mag-aral kuntodo. Pumatak na ang alas-sais - di ako maaaring magkamali dahil kumalembang na ang maugong na kampanang mang-aakit ng mga sasamba. Oras na. Biglang sara sa librong binabasa at bumaba sa bubong na lagi kong tinatambayan. Naupo sa maliit na bangkito at bumebwelo nang mag-aral.

"Kuya!", may iba sa tunog sa pagtawag na iyon. Walang lambing at tila kailangang kailangan ako ng aming bunso. Agad agad akong bumaba mula sa itaas ng bahay at nakita ko sila nanay. May pinaguusapan silang di ko mawari. Nagbilang ako, isa dalawa tatlo, pang-apat na ako. Bakit wala pa si Kuya dito sa bahay? Dati rati nama'y nakahilata na siya sa harap ng telebisyon at maghihintay na ihain ang hapunan. Pagkatapos at maglilinis na ng katawan sabay hilik. Siya ang prinsepe ng kahariang ito, prinsepeng walang sinusunod na hari at reyna. Gusto niya'y siya ang batas at walang makakabasag sa pananaw niyang iyon. Naririnig ko sila nanay, nakainom daw si Kuya sa may bayan at tila mapapaaway. Dali-dali na akong tumayo sa baitang ng hagdan at nagpresenta ng sunduin ang Kuya sa bayan para makauwi ng ligtas. Nung una'y ayaw akong payagan ni itay at siya na lamang daw ang maghahanap ngunit di rin siya nakapalag nang nagpumilit na ako. May kakaibang sakit kasi sa mga binti ang aking ama na naging dahilan ng hirap niya sa paglalakad. Nakakahakbang naman at nakakakilos ng mabuti ngunit kapag sinumpong naman ng kanyang sakit ay bigla bigla na lamang ay bubulagta sa daan at hindi na makakatayo. Isang kabahala bahalang kundisyon ng aking ama ngunit kanyang pilit na itinatago. Nagaaral ako ng siyensya sa Unibersidad sa kursong Biology kung kaya nama't sadyang nahahalata ko ang mga sintomas at bakas sa kanyang mga kilos na hindi maganda ang lagay ng kanyang katawan. Ngunit si nanay na hindi naman gaanong maalam sa mga ganito kabusising bagay ay naniniwala na lamang na simpleng kirot lang ng binti ang paminsang minsang nararamandaman ng aking ama. Kirot na sa paningin niyang nalulunasan na sa pagtatapal ng Salonpas. Pikit mata akong nanahimik sa palagay na manggagaling rin sa sarili niyang mga salita na nahihirapan siya. Ngunit hanggang sa ngayo'y wala pa rin akong naririnig.

Sinuyod ko ang mga inuman sa bayan na madalas namang tambayan ng aking Kuya. Tumitingin sa bawat madaanan upang masigurong di ko malalampasan ang aming mahal na prinsepe. Pinapasok ang loob ng bawat pwesto at tatanawin ang buong paligid masiguro lamang na masusundo ko ang aking kapatid bago pa man tuluyang mauwi sa rambol ang lahat. Sa paghahanap ko'y marami na ring nakasalubong na tao - mga kakilalang ngumingiti at mag-aaya ng isang tagay na agad ko namang tatanggihan; mga taong hahaplos sa iyong balikat sabay tanong kung gusto mo ba ng paglilibangan - parehong babae at lalaking hindi naitatago ang taglay na kati ng katawan. Kanina rin ay may mga lalaking nakatitigan ko sa paghahanap kay Kuya na di yata nagustuhan ang aking pagdalaw sa paborito nilang inuman at tila maghahamon pa ng bugbugan. Nagkainitan man ng mga pananalita, diniin kong mabuti sa isipan kong napaaroon ako para sunduin ang aking kapatid at hindi para magalusan sa walang kwentang dahilan. Tinapos ko na lamang ang napaikling argumento sa paghingi ng pasensya at sa pagpapatutuloy sa paghahanap. Ngunit kahit anong lakad at paghahayod ko'y di ko makikita ang Kuya ko sa pila ng mga inuman sa bayan. Oo, bigo akong makita siya - sa lugar na iyon, at doon lamang. Sa huli'y nagtagumpay pa rin ako. Nakita ko si Kuya sa may dalampasigan na di kalayuan sa aming bahay. Ang aming mumunting kastilyo, na nagsilbing tagapagligtas ng aming mga puso. Guwardiya ng aming damdamin at tagasalo ng lahat ng aming hinanakit. Doon kami nagpupunta ni Kuya kapag ipon na ang mga ulap sa aming mga puso at kailangan na namin ng lupang mapagbubuhusan ng ulan ng luha. Doon namin isinisigaw ni Kuya ang lahat ng mga hinanakit namin - naaalala ko'y doon isinigaw ni Kuya ang lahat ng galit niya sa pagkabasted sa isang babae sa eskwela, ang tanging babaeng nakikita niyang susunduin sa altar, na di kalauna'y sumama sa pinakamatalik na kaibigan ni Kuya. Doon ko rin unang isinigaw sa mundo na walang kwenta ang Diyos dahil binigyan niya ng sakit si tatay, doon ko hiniling sa kaniya na sana ako na lang at huwag na ang aming ama. Bata pa si Mimay at kailangan pa siya ng lahat, tandang tanda ko ang bawat kataga at bawat luhang naitulo ko sa buhangin. Pagkakita ko kay Kuya, may hawak siyang bote ng alak na malakasan niyang iniinom habang naglalakad lakad sa tubigan. Lagok lang ng lagok si Kuya sa tila di nauubos niyang alkohol. Hindi sumisigaw ngunit angat baba ang balikat. Oo, humihikbi nga ang sigang ito. Marunong siyang umiyak, at higit sa lahat masaktan. Saksi ako sa lahat ng kahinaan niya. Batid kong hirap siyang ilabas sa mga tao kung ano at sino siya. Kung kaya't pinili niyang maging matigas. Hindi ko pa naririnig umiyak ang Kuya, kasi palagi niya itong kinikimkim. Minsa'y nakita ko siya sa kanyang kwarto na tumutulo lamang ang luha sa hindi ko alam na dahilan. At ito pa lamang ang ikalawang pagkakataong nakita kong may luha ang kanyang mga mata.

"Kuya.", nagmistula akong si Mimay ng tinawag ko ang nakatatanda kong kapatid. Pero wala ang tensyon sa boses ng bigkasin ang dalawang pantig na salitang nangangahulugan ng paggalang. Tumingin sa akin si Kuya, pero nakatitig lamang siya. Wari'y sanggol na nangingilala't hinahanap ang kanyang ina para sumuso. Di nagtagal ay namuo na ang mga luha sa gilid ng kanyang mga mata. Mabibigat ang luha ng nakakatanda 'kong kapatid, na tila iyon ang unang pagbugso at aagos na anumang oras. Pero hanggang sa sandaling iyon ay nagmamayabang pa rin sa akin ang aking kapatid. Pilit na pinipigilan ni Kuya ang mga luha niya sa pagtulo. Nais niyang magmukhang matatag, pero di na niya kailangan patunayan sa akin 'yon. Alam ko naman ang gilas na taglay ng aking pinakamamahal na kapatid. Tumungga na naman siya ng alak, ang lahat ng natitira sa boteng tangan tangan niya. Di pa nagtagal ay bumaba na rin ang kalangitan galing sa kanyang mga mata. Umiiyak si Kuya. Umiiyak na walang hikbi, patuloy sa pagdaloy ngunit di niya magawang humagulgol. Nais manitili ni Kuya sa imaheng naiposisyon na niya sa kanyang pangalan, at paniningdigan niya ito. Maya-maya pa ay nagsalita na siya. Hindi sa akin, kung hindi sa aming mualawak na paraiso. Tumatak sa isip ko ang lahat ng sinambit ni Kuya. Wala akong pinalampas na kataga. Kasingbigat ng mga luha niya ang lahat ng salitang bintawan niya:

"Hindi ko ninais na mawalan ng intelektwal na kakayanan. Hindi ako matalino. Oo. Bagsak ako sa mga kinukuha kong kurso - lima, anim, di na ako sigurado kung ilan. Pero sa lahat ng naging singko ko sa paaralan hindi naman ako nagkaroon ng anumang dahilan para mabuhay na mangmang. Nagtrabaho ako ng marangal. Naging dahilan naman ako kung kaya't nakatungtong sa kolehiyo ang kapatid ko at kung bakit maginhawa pa ring natutulog araw araw sila Nanay. Wala akong diplomang nakasabit sa dingding hindi tulad ng mga magulang ko. Pero meron akong malaking maipagmamayabang na hindi naisasabit, dahil di naman konkreto. Mayroon akong prinsipyo. Alam ko namang malabo na ako sa kinabukasan, kaya ako nagsisikap. Mas mahirap gumawa ng pangalan kung wala kang paunang salitang makapukaw atensyon - isang magandang titulo na ikakabit sa pangalan. Oo, sinabi kong mahirap - pero hindi imposible. Narito naman ako ngayon ha, wala akong natatapakang karapatan ng iba. Di ako tulad ng iniisip nila."

Walang ni isang lamat sa boses ni Kuya. Buong buo at tila malalim na balon ang pinaghugutan. Hindi man naririnig sa boses niya ang mabigat na hinanakit ay bakas sa makislap na luhang natatapatan ng papalubog na araw ang mula pagkabata'y pilit niyang pinadilim ang alab. Binabaliwala ang lahat ng pangaalipusta at hinahayaang mangibabaw ang paggalang.

Dala ko noon ang malaking bilog na palamuti na nanggaling sa isang kaklase bilang pasalubong galing sa Batangas para sa pagbubukas ng klase. Nakasakbit pa rin sa akin ang ID ng unibersidad na magbibigay na pagkakakilanlan sa akin at sa paaralang aking pinapasukan. Inalis ko ang ID sa tali nito at ikinabit ang malaking pilak na palamuti. Sinigurong hindi ito malalaglag at magiging makatotohanan ang lahat. Isinabit ko kay Kuya ang ginawang medalya at niyapos ng mahigpit ang aking nakatatandang kapatid. Hindi ko alam kung mapapakalma ko siya sa gimik kong pambata. Maya pa'y ako na ang bumigkas ng mga katagang puso naman niya ang kinurot.

"Alam ko namang gago ka, pero iba naman ang gago sa responsable. Alam ko namang bobo ka, pero iba yun sa maabilidad. Alam ko naman na maliit ang tingin mo sa sarili mo, pero iba ang tingin ko sa'yo. Diba nga idol?". Simple ngunit naroon na lahat ng gusto kong iparating sa kanya. Kulang pa ang medalyang isinabit ko sa kanya upang maipakitang abot langit ang paghanga ko sa kanya. Pero magkapatid kami, alam kong makukuha niya lahat ng aking mensahe. At hindi ako nagkamali, di naglao'y bumitiw na sa pagkakayakap si Kuya at wala na ang luha sa mga namumugtong mga mata. Bagkos ay may katiting na akong liwanag na nakikita kasabay ng sumisilip niyang ngiti. Inakbayan ako ng aking kapatid at inakay ko naman siyang maglakad pabalik sa aming tahanan. Ayos na. Wala nang problema. Nailabas na ni Kuya ang lahat ng saloobin at magaan na ulit ang kanyang pakiramdam.

Magaan ang pakiramdam, oo. Pero lasing pa rin si Kuya. Nasa likod na kami ng eskwelahan ilang minuto na lang at nasa bahay na kami. Isang matandang may maputing buhok at mahabang bigote, nakasuot ng marungis na damit pang-ospital. Pakiwari ko'y ilang buwan nang hindi dumadalaw sa paliguan si Mang Tasyo - ang baliw na hindi nilalapitan ng nakararami. Sinisipat niya ang bawat galaw namin ni Kuya at tila nagkakapaan kami ng mga susunod na ihahakbang. Nakaramdam ako ng pagkakilabot sa sandaling patay ang lahat ng tunog sa paligid, maging ang simoy ng hangin ay biglang itinikom ang bibig sa pagsipol. Naghihintay akong mabasag ang katahimikan at di naglao'y ginawa iyon ni Mang Tasyo para sa akin.

"Ikaw, lalaking matalino. Wag kang dumikit sa lalaking walang kinabukasan. Hindi 'yan sakit pero nakakahawa yan. Baka lumabo ang bumbilya ng tagumpay sa iyo kakadikit mo sa taong walang disposisyon sa buhay. Hindi mo ba nakikita yan? Lasing at marusing ang mga paa. Parang galing doon sa imbornal. Putik ba yan o dumi ng baboy? Mabuti pa't sumama ka sa akin at tuturuan kita ng pilosopiya, nang magkaroon ka ng direksyon. Hayaan mo iyang tao na iyan sa kawalan. Makakauwi naman yan sa kanila kahit hindi mo ihatid. Sabi nga nila, ang mga pusa kahit anong gawin mo makakabalik at makakabalik sa bahay. Ayun lang naman ang kaya nilang gawin." Tinapos ni Mang Tasyo ang sermon sa pagtataas ng kilay at pagtitig sa Kuya ko mula ulo hanggang talamapakan.

"Ay nako Mang Tasyo, Kuya ko ho i-," hindi ko na natapos ang mga katagang sinambit ko dahil dagli dagling bumitiw si Kuya sa aking pagkakaakay at biglang dinamba ang baliw. Minura ng minura at sinasakal. Nagpupumigla si Mang Tasyo ngunit tila mahina na, marahil dahil ilang araw ng walang kain ang matanda. Sinusubukan ko silang pigilan ngunit wala akong magawa dahil nahahawi agad ako papalayo ng nakakatanda kong kapatid. Nagpatuloy sila sa paggulong sa semento hanggang sa mapatid ang medalyang isinabit ko sa Kuya ko kanina. Gumulong gulong ang bilog na balisong. Balisong. Oo, patalim 'yung palamuting pilak na iyon kapag binuksan mo. Dinampot ni kuya. Binuksan. Tinignan ang kinang nang itapat niya sa poste ng ilaw sa di kalayuan. Itinutok niya sa mukha ng matandang baliw. Humakbang agad ako papalapit sa kanila para pigilan ang aking kapatid. Pero huli na ang lahat, naitarak na ni Kuya sa leeg ni Mang Tasyo ang patalim at agad itong nalagutan ng hininga. Nahimasmasan ang Kuya ng makita ang walang tigil na dugong dumadaloy mula sa sugat na siya ang gumawa. Binuhat niya ang bangkay at dinala sa likod ng pabrika, sa gitna ng damuhan. Doon iniwanan at madali kaming umalis sa lugar. Si Kuya agad agad na nagempake ng damit at aalis na ng probinsya para mapanatiling ligtas ang buong pamilya. Ako tulala pa rin at hindi alam ang gagawin. Nakatungo lang ako sa langit at hinihintay ang sunod na pagtunog ng kampana, matinding kapit sa Kanya ang kailangan ko. Pero madulas pa rin ang mga kamay ng Kuya dahil sa dugo.

Nakaisip ako ng solusyon. Isang bagay na tatapos ng lahat. Kailangan nila ng sagot at ebidensya. Pwes itatapon ko ang lahat ng impormasyon alam ko. Nang makawala kami sa paningin ng pulisya, lumabas ako ng bahay. Bumalik sa likod ng pabrika at sinipat ang eksena ng krimen, walang mga pulis. Lumapit ako sa bangkay ni Mang Tasyo at kinuha mula sa leeg niya ang balisong. Muling sinilip ang liwanag ng patalim sa ilalim ng ilaw ng poste. Inilabas ng maigi ang dila at unti-unting inilapit ang balisong dito. Naramdaman ko ang pinamahaping sensayong posibleng maramdaman ng isang tao, pero tiniis ko. Tinuloy tuloy ang paggayat sa aking dila. Luhang bumubuhos mula sa aking mga mata ang kasabay na nagaganap. Wala na. Hindi na kayo makakakuha ng kahit anong pahayag ko. Magsisinungaling ako? Hindi. Kaya hindi ako magsasalita. Naubos ko na ang tanging pinanggagalingan ng boses ng tao. Putol na ang dila ko. Itinabi ko ang balisong sa aking likod na bulsa ngunit ipinahawak ko sa bangkay ni Mang Tasyo ang dilang naghahawak ng katotohanan. Nawa'y makahanap ka ng katarungan sa ipinamana ko sayong regalo. Naririyan ang lahat ng katotohanan Mang Tasyo. Gusto kong sumakabilang buhay ka ng matiwasay, ngunit hindi manggagaling sa akin ang hustisya mo. Lalo pa't wala na sa akin ang alas. Hindi niyo ako maririnig na idiin ang aking kapatid. Hindi.

Umalis ako sa bayan ng walang paalam. Dalawa na kami ni Kuya, bawas populasyon sa probinsya. Ang kriminal at ang saksi. Hahayaan kong balutin ng hiwaga ang bayan. Paggising ng pulisya kinabukasan, makikita nilang wala na ang balisong na tanging ebedensiya nila sa krimen. Ngunit may makikita sila ng parte ng katawan ng tao, isang dilang naghahawak ng lahat ng impormasyon. Dila. Akala ko noo'y pinanggagalingan lamang ng laway. Ngunit ngayo'y nagkaroon ako ng mas malalim na pagunawa sa gamit nito. Lilipat ako ng ibang bayan at mamumuhay na pipi, mamumuhay ng mas payapa. Walang lihim na ibubunyag at walang isisiwalat na katotohanan. Kailanma'y hindi ko ipapahamak ang idol ko. Hindi ko alam kung nasaan siya ngayon, pero magtatagpo kami balang araw at sasabitan siya ng medalya at bibigyan ng karangalang nararapat para sa kanya. Ibubulong ko sa kanyang ligtas na siya at wala nang pahamak. Kung darating man ang araw na kaya ko na uling tumatas ng mga kataga. O magsiwalat ng nadarama. Narinig ko na naman ang kampana. Sa ngalan ng Ama, Anak, Espiritu santo. Amen.